Wednesday, December 2, 2009

Lugar Mo Bayan, Lugar Mo Ba Yan






May mga taong magaling lang ang dila, salita ng salita
wala namang nagagawa, nahihilo sa diwa at adhika
na puro panaginip lang, bukas ang mata nang ginawa
Tatayo kung may makakain ang panis na bunganga.

Nakaugalian na nya ang ibilad ang tamad na katawan
Siya ay tatambay at maninigarilyo sa labas ng tahanan.
O dili kaya ay uupo sa tarangkahan para magkwentuhan
sa kapuwa batugan, hanggang umabot sa mga chismisan

Nagkukumpulan na parang langaw sa maduming daanan
Umaalingawngaw ang mga kahambugan sa mga bidahan
Walang pakialam sa bahong umaalingasaw na kapaligiran
Bangaw na matakaw at basurang nagkalat nagdadamihan

Mga batang aba na may berdeng sipon, singot ng singutan
Nagdudungisan, takbuhan ng takbuhan, hiyawan ng hiyawan
Mga butete at humpak na tiyan, walang saplot na katawan
Mga walang pakialam sa kalunos lunos na kahirapan

Sa impis na mukhang kawawa man ngiti ay mababaanagan
sa kabila ng tawana’y mapagmamasdan ang kahikahusan
Ngunit purong kasayahan at aliw sa kanila’y nagalilitawan
Walang pakialam sa anumang mangyayaring kinabukasan

Samantalang tuloy ang ingay at walang saysay na huntahan
ng mga batugan na nagsipag pasyang magsipag- utangan
sa tindahan para magsipag- inuman at ituloy ang kumpulan
Sa lasing nahantong, nagsuka, napikon, nabato, at nagsaksakan

Nagkahimasmasan din sa lasing kinabukasan si Pedro’t si Juan
Kanilang awayan at saksakan tampol ng dilang nagkakatihan
May nagsabing patay na si Pedro, at iba naman ay tong si Juan
Ang totoo’y nagkadaplisan lamang at ngayon ay tulog na naman

Nagugutom na mga musmus na bata, inang kinukusot ang labada
Para matapos at ang upa ay makuha na pambili ng kakainin nila.
Nang gumising kang tao ka ay hiya hiya pa sa kanila’y magpakita
Alam mong wala kang ginagawa di dahil wala ka talagang magawa

No comments:

Post a Comment