Tuesday, December 1, 2009

Saan ka Pupunta?



O bayan kong sawi saan ka pupunta
di pa ba sapat ang ating kinita
o kaya'y ang ating napala
di ba hirap at pakunwaring saya

Isipin mo ang panahong nagunaw
tingnan mo ang naganap, ito ba ay may linaw
bagkus naiwan tayo at sobrang nauhaw
sating pamilya, tayo'y tila pumanaw

Malungkot ang kasawiang tahimik
akala natin nakamtan na ang daigdig
dahil kumakain tayo ng sobrang tigib
at sa mga materyal na bagay di na tayo sabik

Marangya ang pamumuhay at mapera
tingnan mo ang sarili kung ika'y pumorma
daig mo pa ang nagkukunwaring artista
tumubo'y yabang na walang kwenta

Nakakaawa tayo sa totoo lang kaibigan
marami ng bansa ang umangat sa kaunlaran
subalit tayo ano ang naratnan
kundi bilang alipin ng banyagang bayan

Mga pinoy gumising na pati ang Tsina
dumilat na ang pikit nilang mga mata
o kay sarap magpagal kasama ang pamilya
at ang pawis tumutulo sa sariling lupa

Mga kasama lahing winasak ng iba
wag nating hayaan na tayo mismo ang gumiba
ng pag-asenso at tamang adhika -
magpakumbaba hayaang mamuno ang isa

Kakayahang ipakita ang pagiging makabansa
di sa kwarta o lakas ng puwersa
ang puno natin dapat ay dakila
matalino, maka-Diyos at tamang magpasya

magiging bayani kang tunay
kung di ka na magiging patangay
sa mga nanggugulo lamang at nag-iingay
kundi kung iayos natin ang bayan at buhay

Wala ng talangkaan, trayduran
higit sa lahat ang inggitan at patayan
para tayong mga hayup sa kagubatan
kung patuloy tayong magwawasakan.

Gumising ka o aking bayan, hanapin ang daan
tungo sa pambansang kaunalaran
ibalik ang pagsamba sa isang maykapal
ayon sa Bibliya di sa nakagisnan

Gumising ka o aking bayan, saan ka pupunta
kundi dito sating bayan wala ng iba
sana may isang mamuno ng tunay, at tama
na ang lahat ay para sa lahat ng ama't ina

bumalik ka at ibalik ang bayanihan
ang magandang asal at kalinisan
tayo ay masipag at may kinabukasan
alisin na ang bumabalot sa ating kasamaan

magsisi ka kung tayo ay pupunta
sa liwanag at bagong pag asa
na may tunay na resulta sa adhika
na ating isakakatuparan ngayon na!

No comments:

Post a Comment