Wednesday, December 2, 2009

Pagiging Una At Mga Una


Walang hihigit pa sa pagiging una
Ito ay aking nakita, noong akoy nag-iskwela
kapatid kong una ay laging nangunguna
ako naman ay huli na nang aking makuha
Sa gradong anim ako ay nag-umpisa
sa huling seksyon nito ako ay nanguna
ang pakiramdam ko’y bidang bida
Sa tagis ng talino nagsitumba sila
Pero walang wala para ikumpara
sa kapatid kong laging nangunguna.
Valedictorian pa nang sya’y natapos na.

Nang ako’y sa pamantasan nagpunta
hindi ako nanguna, sa akademika
pero ibang una, ang aking nakuha
dito ko nalaman pag-ibig na pula
lumilipad sa langit, subalit
minsan ay mabangis at mapanganib
ang humarang ay kinakabig
walang ngiming mangpapatid
marating lang ang iniibig
at maglasing lang sa kanyang titig.
at ang kanilang katawan at bisig
sa sine’y nagkadikit at hayok na napinid
mga labing maiinit, nagliliyab na pagibig
mabagsik, masayang malupit
Dahil sa pag-ibig doon ako naadik
sa masilab na dantay, sa mainit na halik
pag-aaral ko ay nag kalintiklintik
Iba nga pala ang unang pag-ibig.

Lansagin ang imperyalista at
ang ganid na diktadura
iyon ang laging binibida
ng mga estudyante at manggagawa
na kung saan ako’y kasama
at lahat lahat na ng masa ay nagkaisa
Sa daan isinisigaw ng buong sigla
ihinto na itong pandaraya ng iba
tama na itong mga parusa
tama na, hwag ng umasa pa
sa mga kasinungalingang retorika
ng mga pinunong mga buwaya
Ako ay nangunguna sa pakikibaka
doon sa lansangan ng Mendiola
Kinumprontang mga pulisya
mga alagad ng batas na nakatulala
mga seryoso ang mukha
mga may hawak na batuta
at pang-usok na pampaiyak ng mata
may baril sa mga baywang nila
nang bigla

Nang ako’y natapos na, hirap at dusa
ang siyang natikmang una
sa pakikibaka, unang una kong nakilala
labing siyam na daan at walongput lima
panahon ni Marcos na diktadura
panahong bansa’y nagkasagad sagad na
Hirap na pagdurusa, ang aking natama
apat na pung porsyento ang walang kita
pinangangalandakan ng mga aktibista.

Paghahanap ng trabaho’y di nakita
nalibot ko na ang buong Manila
maitim ang ulap, aking naalala pa
nang marating ko ang isang opisina
hinihingian ako ng ilang libong pera
para raw makapasok sa kanilang ahensya
ako’y pait na ngumiti, dinaan ko sa tawa
Saan ako kukuha ng ganitong halaga
Ang mga tulad nitong aking nakita
ang naglalahong kumpanya pag dumilim na

Nangunguna naman ako sa parusa
sa gutum nagkakainan sariling bituka
Sa kung sino sino ako nakikitira
sa hirap ng buhay ay kinuha
isang babaing magsasalba
ng gutum ko at ng pamilya
dahil sya mismo ang sumuporta
pati sa mga kapatid ko’t ina
kaya hindi ko kayang maghusga
ng kahit sino kahit mga puta,
dahil alam ko ang hirap nila.
Hindi pag-ibig ang mas mahalaga
kung hindi ang mabuhay pa
umaasang bukas ay mag-iiba
kapalarang walang kinikita
walang pera ay mabubura
may bukas ding may pag-asa



Kung babalikan ko ang alaala
matatantong walang duda
Hindi lang ang diktadura ang may sala
kung hindi ang buong bansang masa
Mga Pedro’t Juan na tatanga tanga
mga pabaya at mga ugaling saka na
hinayaang basta lumaki ang pasista
nag Batas Militar ay tutulug tulug pa
at nang magising, bansa’y kulelat na
Isa na lang basura sa Asya
ang masang lakas na pagkakaisa
ang syang nagpatunay na tayo’y may pag-asa
naibalik natin ang dangal ng ating demokrasya
nalansag natin ang diktadura
ngunit huwag sasabihing tayo ay may hustisya
kung sangkatutak na pinoy na nagugutum pa
Ay nakasadlak pa ring nagdurusa
magpunyagi’t wag hihintong gumawa
ng ikabubuti ng ating bansa
dapat tayo ay magka-isa
hindi lang sa demokrasya
kung hindi sa paggawa
ng mga industriya at paktorya
At kung anu’t ano pa
buong sigla na itaas ang ekonomiya.
iyan ngayon ang bagong punto de bista
Kaunalarang pangarap ay makukuha
Kung lahat tayo ay magkakaisa.

Buong kabataan ko ay nagdusa
pero ang pera ay hindi pala
ang landas para ikaw ay manguna
hindi rin talino o kung edukado ka
kung hindi dapat manguna
SA PAG-ASANG MAKASAMA
ANG DIYOS NA TUNAY NATING AMA
sa pag hingi ng tulong sa Kanya
at maging ma-utak sa pakikibaka
at lagi kang handa sa mga grasya
maging matatag at puno ng sigla


huwag pasisindak kahit ano pa
matapang na di mayabang ka
ang iyong ipakikita,
paghandaan lahat at isagawa
pagkatapos Diyos na ang bahala
Siya nga ay may awa
sa taong gumagawa.

No comments:

Post a Comment